Photobucket

Lunes, Agosto 03, 2009

isang pagpupugay sa mapayapang pagpanaw sa ina ng demokrasya

Lunes, Hulyo 20, 2009

ambon

muling sumibol ang patak ng ulan mula sa kalangitan
subalit sa hinagap ng kalooban
ay hindi pa din maibsan yaring pangungulila.

nasaan ka na ba?
darating ka pa ba?

siguro ay hindi na...

Huwebes, Hunyo 11, 2009

06/12/09


-- isang napakamakabuluhang imahe sa harap ng lente ng isang butihing kaibigan. una, ako ay tila isang batang namangha sa galing ng istilo at teknika sa potograpiya. subalit makalipas ang ilan pang sandali, tila ako ay nanlumo. tila kandilang unti-unting nilalamon ng apoy na pumapaso sa sariling sinag at kumakain sa dulot na liwanag.

nasaan na nga ba ang pilipinas mula sa huling pinanggalingan? makalipas and ilang dekada, tunay pa nga ba tayong malaya? ito na lamang ang mga naitanong sa sarili habang nakatitig sa abang larawan sa aking harapan...

** salamat zig... PADAYON!

Lunes, Hunyo 08, 2009

kalayaan 2009


iniimbitahan ang bawat mamamayang pilipino... PADAYON!

Biyernes, Hunyo 05, 2009

bukang liwayway

nais kong muling sumulat
muling gumuhit ng salitang nananalaytay sa kaisipan
muling sumayaw sa saliw ng bawat emosyong sumasabay sa huni ng kapaligiran,
at muling iukit ang uyayi ng damdaming ikinubli sa yaring kariktan.

ipipinta ko ang kulay ng kasawian, kalungkutan, pag-asa at kaligayahan.
bughaw. pula.
puti at dilaw.
kasabay ng hangin, isisigaw ko ang kalayaang sa akin ay muling nag-aabang.

tatakbuhin ko ang bawat pulgada ng distansyang naglalayo sa iyo at sa akin.
hahagkan ko ang iyong mga kamay
at sabay nating tatahakin ang landas ng kinabukasan.
magsisimula ako. ikaw. tayo.

hintayin mo ako sa pagsibol ng darating na umaga…

Miyerkules, Disyembre 31, 2008

pagbabalik tanaw

bagay na ang lahat ay nag-aahin na ng kani kanilang saloobin sa nalalapit na paglalakbay, hayaan ninyong ako naman ang magpaagos ng aking emosyon.isang malaking pasasalamat ang mailalatag ko sa pahinang ito, kung hindi dahil sa bawat ngiti at halakhak hindi ko mahahanap ang landas ng daang tinahak.

PARA SA DARK CYAN:
hindi matatawaran ang samahan na hinubog ng isang taon at tatlong buwan. madami ang natanggal, umalis at muling bumalik, narito pa din tayo. hindi man kabilang sa iisang grupo ay magkakabugkos pa ring nagpapatuloy. para kay glenn na ngayon ay namamalagi sa cebu, at kay don figueroa, salamat.

PARA SA MGA OPS, QA AT SENIOR AGENTS:
salamat sa paggabay sa bawat call, at pagtanggap ng mga sup calls. salamat sa mga puna sa mga dapat at hindi dapat gawin. sa mga voice at email monitors kong di kaaya aya ang grado, bagay para pagbutihin at paghusayin ang bawat tawag na tinatanggap ko.

PARA SA MGA BAGONG WAVES:
malayo pa ang inyong mararating, pagbutihin pa ang magandang simulain. sa mga bagong ka-tropa... kilala nyo kung sinu-sino kayo... maraming salamat sa pagkakaibigan.

PARA SA MGA TAGA ESKINITA:
hindi man magkaroon ng eskinitang tulad ng mayroon tayo, mananatiling buo ang pagkakaibigang nagsimulang sumibol sa sulok ng silid na kinaroroonan ko. hindi matatawaran ang bawat paraang ginawa natin maitakas lamang ang bawat chips at starbucks kay bato at sa kanyang mga alagad. good job ika nga :)

sa bawat nilalang na hindi nabanggit, sa bawat DOTS ni glenn at ni kitkat, sa bawat walk through, cc failed, reorder at not mine, sa bawat irrate caller, sa bawat mabagal na pc, sirang ampli at defective na headset, sa bawat tao ng Shutterfly-IBM, manila, at higit sa lahat, para sayo na bumabasa nito...MARAMING SALAMAT.

isang masayang pagbabalik tanaw ang aking gagawin... hindi tayo dito nagtatapos....


-ito ang hudyat ng panibago kong paglalakbay...

Sabado, Disyembre 27, 2008

undas

quince minutos makalipas ang alas quatro ng hapon. maalinsangan ang paligid. muli kong sinipat ang kasuluk sulukan ng aking pag-iisip. marahang binuklat ang pahina ng alaalang inaamag sa kadiliman, hindi para tuluyan kang kalimutan kundi para tuluyang maglaho ang pangungulilang nadarama. pinilit kong ibaon ang kalungkutan, ibinaling ang sarili sa kahit na anong bagay na makakaaliw sa akin. subalit kahit ano ang gawin, sa iyo pa rin ako bumabalik.

ilang taon na ba?dalawa? magtatalo? tila kahapon lang nang huli kong nasilayan ang matamis mong ngiti. ang init ng iyong yakap ay nananalaytay pa din sa aking tabi. ang halimuyak mo'y patuloy pa ding hinahanap nitong aking pandama. ang iyong tinig ang pilit pa ding dinidinig.

marahan kong sinilayan ang mga larawan ng nakaraan; mga larawang taglay ang sigla ng panahong pinagdaanan. sambot nito ang mga ngiti at halakhak na nadirinig sa sandaling ang mga mata'y ipikit. nasaan ka na ba? alam kong maayos na ang iyong kalagayan. naalala mo ba noong narito ka, tila walang katapusan ang bawat oras. kumpleto. masaya.

ilang sandali pa ay naramdaman ko na ang init ng mga luhang pumapatak. bahagyang pinunasan ang hiyas nitong pagdadalamhati. kung maririnig mo lamang ang boses nitong damdamin, pahihintulutan ka kayang muling magbalik? kahit ilang saglit lamang ang ibigay ng Maykapal ay susulitin, muli lamang Niya ipagkaloob ang nagdaang panahon.

minuto pa ang binilang at hindi ko man lang namalayan na ako pala ay bahagya nang nahimbing. lunod sa luha at dalamhati, bigla kong naramdaman ang lamig na biglang yumakap sa akin. pikit mata kong inaninag ang iyong imahe, nakatitig sa akin, tila puno ng pagmamahal at kaligayahan, taglay ng iyong mukha ang payapang ngiti. boses mo ang sunod kong nadinig, nangungusap at nagpapaalala na narito ka lamang. nakamasid at patuloy na gumagabay sa amin. "hindi kita kailanman pababayaan," dagdag mo pa sa iyong sinabi. unti unti kong iminulat ang mga mata at kasabay nito ay ang unti unti mong paglaho, tila usok na naglalaho sa kawalan. gayun pa man, kahit muli kong nakikita ang muling pagkupas ng iyong mukha, panatag ako. pagkat alam kong nariyan ka lamang.

alas singco ng hapon, gagayak na ako patungo sa oswaryo dala nag sampaguita, ilang punpon ng bulaklak at dalawang puting kandila na aking sisindihan. patuloy kong ipagdarasal ang patuloy mong kapayapaan.