Photobucket
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tula. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tula. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Hunyo 05, 2009

bukang liwayway

nais kong muling sumulat
muling gumuhit ng salitang nananalaytay sa kaisipan
muling sumayaw sa saliw ng bawat emosyong sumasabay sa huni ng kapaligiran,
at muling iukit ang uyayi ng damdaming ikinubli sa yaring kariktan.

ipipinta ko ang kulay ng kasawian, kalungkutan, pag-asa at kaligayahan.
bughaw. pula.
puti at dilaw.
kasabay ng hangin, isisigaw ko ang kalayaang sa akin ay muling nag-aabang.

tatakbuhin ko ang bawat pulgada ng distansyang naglalayo sa iyo at sa akin.
hahagkan ko ang iyong mga kamay
at sabay nating tatahakin ang landas ng kinabukasan.
magsisimula ako. ikaw. tayo.

hintayin mo ako sa pagsibol ng darating na umaga…

Lunes, Setyembre 22, 2008

habilin

hangin, ibuga mo ang iyong sariwang amihan
turuan mo akong paliparin ang sarili mula sa pugad na ito..
ituro mo ang pagpagaspas ng naghihingalong mga pakpak
patungo sa kanlungan ng mapayapang himpapawid.

ulan, iluha mo ang kalungkutan nitong kalangitan
lunuruin mo ang panglaw na bumabalot sa kapaligiran.
tangayin mo ang mga buwitreng namamalagi sa paraisong ito
patungo sa kawalan ng nakagisnang mumunting mundo.

apoy, silaban mo ang nanlalamig na mga damdamin
balutin mo ng init ng iyong pag-ibig ang mga kaluluwang nakapaligid sa akin.
sunugin mo ang bawat poot, karimlan at kabiguan
at nawa'y pagsibuyan ito ng panibagong pag-asa at kinabukasan.

lupa, saluhin mo ang patak ng luha ni ulan.
pagyabungin ang kaligayahan sa tigang mong nasasakupan.
tibagin mo ang mga namamagitang balakid
at pag-isahin ang mga katutubong magkakapatid.

tao, isaboy mo ang kapayapaang nagmumula sa sarili
itigil mo na ang iyong kasakiman at magsimulang gumapas ng ngiti.
bumangon ka at humakbang para sa iyong pagsulong

at muling isigaw na ikaw ay muling magpapatuloy sa pag-usbong
.

Linggo, Hulyo 13, 2008

tigang

muling kong hinawakan
ang nangungulilang sandata
at inabot ang nagtatampong
lumang pergamino.
bahagyang pinagpag
at saka ibinuklat.

marahang kinananaw
ang hapong kaisipan.
inapuhap.
sininsay.


..
...
....

wala akong maisulat.

Lunes, Hunyo 23, 2008

alak, yosi at ikaw

alak.
sa malamig at

mamawis mawis mong botelya
ako'y napapakapit sa tuwing
ika'y dumadampi
sa aking mga labi.
sa bawat daloy
ng taglay mong kamandag
ay kakaibang mundo ang nararating.

langit sa kalagitnaan ng realidad.
hari sa sirko ng tagay at kampay.


yosi.
sa maputi't makinis mong katawan
at sa amoy mong nakakabaliw
sinusuko ko sa 'yo ang bawat oras
ng kasiyahan at katahimikan.
sa bawat hithit ng
nakalalason mong gayuma
kakaibang ginhawa
ang nadarama.
tila tinatangay
at napapadpad sa kawalan.

ikaw.
ang nag-iisa kong ikaw.
mundo ng sariling katinuan.
ilaw sa bawat kadiliman
ng ating karimlan.
sa bawat hirap at ginhawa
nariyan ka at kaakibat.
binubura ang bawat luha
at pinapalitan ng walang
'sing tamis na saya.

alak, yosi at ikaw.
mga natatanging kakampi
sa bawat giyerang sugurin.
subalit sa tuwing lango na sa
kamandag at gayuma,
tila ako'y nakakalimot at tumatalikod.
bawat lagok
ay mapapait na luha
mula sa iyong mga mata.
bawat buga'y
nagbibigay sa iyo ng pangamba.
bawat basyong itinataob,
bawat upos na nalulupos,
katumbas ay mga
pangakong nadudurog.

hangad ko'y kapatawaran..
mahirap ma'y aking pipilitin
na ang alak at yosi
ay i-isang tabi.
pasasaan pa't
lilipas din itong kabataan
at kusang itutwid ang mali..
ang pagkukulang ay pupunuin..
panahon lamang ang aking hiling
at lahat ng iyong lumbay
ay aking kikitilin..


Linggo, Hunyo 08, 2008

doce de hunyo dos mil otso


si juan nasa lansangan
isinisigaw ang daing sa kahirapan
walang katapusang pangangatwiran

kumukulo
kumakalam
sikmura'y walang laman

umaalab
sumisilab
kalooba'y humihilab

nag-aaklas
napupumiglas
salitang sandata'y ibinibigkas

nagniningas
pumapagaspas
mga paa'y kumakaripas

tumatakbo
humahabol sa kalayaang
kanyang nais matamo

umaasa, nakikibaka
itodo mo na boses mo'y kulang pa
ilang dekada pa ba upang ika'y dinggin nila

JUAN!
bakit ika'y paroo't parito
hindi alam kung saan patutungo

nasaan na, nariyan pa kaya
kalayaang ipinamana
ng mga ninuno't mga kasama

si juan nakahandusay sa lansangan
tirik ang mata
hindi na humihinga


_________
image source: bulatlat.com

Biyernes, Mayo 09, 2008

sa piling ni nanay

sanay di magmaliw ang dati
kong araw

nang munti pang bata sa
piling ni nanay

nais kong maulit ang awit
ni inang mahal

awit ng pag-ibig habang
ako'y nasa duyan...






salamat inay.
payak. walang mapalabok na mga salita.
salamat.
hindi matatawaran ang kadakilaang dala mo sa mundong ito.
sa bawat pawis na tumutulo mula sa iyo, katumbas ay hangad na magandang kinabukasan para sa aming mga iniluwal mo.
sa bawat haplos, yapos at akap mo, dulot ay kaginhawahan sa nagugulumihanang pag-iisip ko.
sa iyong pag-aaruga, lumaki akong maayos at may takot sa Diyos.

salamat, inay.
sa panahong ako'y naliligaw, ikaw ang naging tanging ilaw sa landas na dinaanan.
sa iyong mga payo at pangaral, natuwid ang baku-bakong pangangatwiran ng bibig na ito.
hindi man matumbasan ng kahit ilang salamat ang sakripisyo mo sa amin,
hindi man mahabi ng isang maestro ng pluma ang kadakilaang dulot mo..
narito pa rin akong supling mo.. nagpapasalamat dahil kung hindi sa iyo hinid ko mararating ang bantayog ng mga pangarap ko.

maraming salamat inay!

Miyerkules, Abril 30, 2008

paglalakbay

kamusta?
dalawang taon na din ang nakalilipas nang huli tayong magkita.
malaki ang iyong ipinagbago mula nang huli kong maramdaman ang mga yakap mo.
masaya ako't muli ko na namang nasilayan ang mga ngiti mong nakakapagpapawi ng pagod ko.

matagal tagal ko na ring ninais na muli kang makapiling.
sana'y huwag nang kitilin itong nilaang sandali.
sana'y sa pagkakataong ito ako ay manatili sa iyong tabi
upang muling ipagpatuloy ang mga naudlot na layunin.

nawa'y huwag mong isiping nilisan kita.
sapagkat ito ay higit na hindi naging madali para sa akin.

labis na mahirap ang makitang
may dumdaloy na luha mula sa iyong mga mata.

sana'y mayroon akong paraan upang maibalik ang bawat panahong nagdaan,
panahong kung saan ang lahat ay nasa akin pang mga palad
ang bawat sandali'y susulitin, walang oras ang sasayangin
at sa piling mo, tayo ay magsisimula muli.

at ngayon na ikaw ay muling kapiling,
tulad mo, ako ay lubusang nananabik.
isang pagkakataon upang ang lahat ay muling sariwain
mga panahong isa-isang lumipad mula sa pahina ng ating gunita.

natatandaan mo pa ba ang mga panahong iyon?
nawa'y manatili ako sa isip mo at ang mga kahapong ako'y kasama mo.
ang bawat halakhak na ating pinagsaluhan at bawat luhang aking pinunasan.
lahat ng mga iyon, dito'y hindi mawawaglit sa puso ko.

hanggang dito na lamang muna, tapos na ang sandaling ipinahiram para sa atin.
sa pagkakataong kailanganin mo ang isang tulad ko,
agad kong didinggin ang tawag mo.
hindi mo man ako masilayan ay agad akong lilipad sa piling mo.

hanggang sa muling pagkikita.
ang mga habilin ko'y huwag mong kalilimutan..
sige na, huwag mo na akong lingunin..
huwag ka nang muling luluha pa..

sige na, sige na anak.
humayo ka na at imulat ang iyong mga mata.
narito lamang ako at hindi ko kayo pababayaan.
gumising ka na mahal kong anak..


___________________
RIP papa
we miss you badly..

Biyernes, Abril 04, 2008

kundiman

sa sinisipat kong gunita,

ikaw ang tanging kantang
hindi malapatan ng musika.
pilit ko mang awitin ay
tila walang tinig ang marinig.
pilitin ko mang bumirit,
paos na boses ang isinasambulat ng bibig.

nais kitang awitan
at hayaang ang ritmo nito ang sa iyo'y yumakap.
nais kong ibulong ang damdamin
sa pamamagitan ng mapagkandili nitong uyayi.
nais kong isa-titik yaring isinisigaw ng aking sarili
at hayaang saniban ako ng kaluluwang mulat
upang hindi lamunin ng mapang-akit na gabi
ang natitirang lasing na pag-iisip.

sa pagkalabit ng marurupok na kwerdas
ng inaalikabok kong gitara,
imahe mo ang kumikiliti
sa ulirat na lango sa halimuyak ng iyong alaala.
ang mapupungay mong mga mata
at ang iyong taglay na ngiti
na dulot ay kakaibang kilig sa akin.

nais kong isa-himig ang iyong alaala..
ang alaala nating dalawa..
hanggat narito pa ang nakaraan sa lumbay na aking nadarama.
marahil sa pagkakataong ito,
ako ay iyong muling lingunin
at sa ganitong paraan,
ikaw na aking musika,
ay muli nang magbalik sa akin..

Sabado, Marso 08, 2008

tinig

sino ako?
ako ay isang babae.
babaeng tangan ng mapagkandiling mga bisig
subalit sa pagsapit ng gabi,
ako ay niyayakap ng kanyang
malalambing na suntok, dagok at pambubugbog.

mga salitang nakakapaso sa tuwing siya'y lango sa kanyang bisyo.


sino ako?
ako ay isang babae.
hawak ay aklat at aktibo sa pag-aaral
tanging dalang sandata patungo sa kinabukasan.
subalit sa pagsapit ng dilim,
katauhan ay ikinukubli sa indak ng mapang-akit na musika
at nakasusulasok na panandaliang aliw sa kama.
sa ganitong paraan ay maitatawid ko sa kahirapan ang aking pamilya.

sino ako?

ako ay isang batang babae.
sa halip na mamulat sa mundong kinikilala ang paglalaro
ito'y pinuno ng kabi-kabilang pasakit at panibugho.
sa halip na ang kayakap ay magiliw at nakangiting manyika,
sa pagtulog ay katabi ang naglalakihang pulutong ng mga baril at sadata.
kapayapaan ang hangad sa mundong kinamulatan.

sino ako?
ako ay isang babae.
iniluwal ng isang ina mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas.
hinubog sa aruga at mainit na pagmamahalan.
subalit bakit ako umiiyak at tila nauubusan ng pag-asa?
bawat patak ng luha ay katumbas ng lakas na nawawala
napapariwara at naliligaw sa bawat lakad na ihakbang.
gayun pa man ay pilit pa rin hahawiin ang ulap sa aking tinatahakan.

ikaw. babae.
saan man tangayin ng hangin,
ano man ang landas na suyurin,
kahit na ilan pang kalamidad ang suungin,
ikaw pa rin ay mananatiling nilalang ng kagandahan at pag-ibig.
ikaw ang tagapagsaboy ng liwanag sa daang mapangalaw
isang mapagmahal na anak sa naghihikahos na magulang,
isang musmos na nakatuon sa kapakanan ng karamihan,
isang kaluluwang muling nahanap ang tamang daan.

babae,ilabas mo ang iyong damdamin.
palayain mo ang sarili at huwag manatiling alipin
sa bugkos ng bulok na lipunang sa iyo ay kumubli.
lumipad ka!
tumakbo!
abutin mo ang mga pangarap mo.
huwag kang manahimik na lamang sa isang tabi
iparating mo ang nais mong sabihin.
sumigaw ka!
kumanta!
babae, malaya ka!

lumaya ka...

Martes, Pebrero 05, 2008

tatlong taon

unti unting binabalot ng kadiliman

ang nakagisnang kapaligiran
animo ito'y sadyang pinagsawaan
at patuloy nang iniwan.

tila ang lahat ay mayroon nang taning
mga nalalabing sandali ay nakakabitin.
ang nakaguhit na masasayang ngiti
ngayo'y nasalinan na ng hikbi.

nagsimula sa kamulatan,
pinagtibay itong sariling bugkos.
bakit ngayo'y marahan nang nalulupos
at tila nag-uumpisa nang maglaho.

inakalang habambuhay na paraiso
itong pinanghahawakang ginto.
kasiglahan sana'y hindi maubos,
ngunit bakit ang lahat tila ay nagbago?

pilit ko na lamang na pipiringan ang mga mata
at maging bulag sa mga nakikita.
tatakpan na lamang ang mga tainga
upang magmistulang bingi sa mga dinidikta.

pipigilan ko na lamang ang bibig sa pagbuka
upang magsilbing pipi at hindi na makapasalita.
nais kong maging manhid sa katotohanan
upang hindi na makaramdam ng anumang alitan.

ang matitingkad na kulay ng pagkakaibiga'y
unti-unti nang humuhupa
ang musika ng bawat halakhak ay
isa-isa nang tinatangay ng panahon.

ano pa't ginawa ang lahat upang ito'y maisalba
kung sa kabila ng lahat ng pinagasamahan
ito din nama'y tatalikuran..
at hahayaan nang mawala..

**bata pako nun sinulat ko to..kornik! hehehe!

Martes, Agosto 14, 2007

pakikipagsiping sa isang lapis

nagliliyab..
ang pagdampi ng iyong
matulis at matigas na uling
sa bawat pulgada ng aking makinis at maputing pahina..
umaapoy..
nagbabagang mga salita
na sa aking ay nilalatag..
tila mapanuksong mga halik
na lumalapat sa malalambot na talulot ng aking katawan

akin pang ibubuka
ang nakatupi kong pahina
nang sa gayon ikaw ay lubos pang ganahan
sa pagdila ng iyong kaisipan

anong mayroon ang mapagkandili mong mga yapos
mapangiliting mga kalabit..
nakakakilig na mga halinghing ..
ano't tila ako'y lubos na nahuhumaling
sige pa, idiin mo pa..
huwag mong tigilan..
hagurin mo pa ng husto ang rumaragasang mga salita
tila simbilis nitong dumdaloy na likido
ayan na..
malapit na..
eto't tapos na
ang isang akda..
..isa pa..

aug 14, 2007

Huwebes, Hulyo 12, 2007

kanser

Kung ako’y bibigyan ng pagkakataon
Upang muling balikan ang kahapon,
Ito ay ang kahapong ikaw ang kapiling
Kahit ilang beses pang ito’y ulit-ulitin.
Nais kong balikan ang nakraan
Sa kahit na anong paraan
Upang lubusang pagsisihan
Ang mga kasalanang sa iyo’y naiwan.
Mula sa silid na aking kinahihigaan,
Pagpikit ng mata’y di mapigilan.
Mataimtim na tumatawag sa Poong Maykapal
At pilit na ipanararating itong dasal.
Panginoon,
Ako po nawa’y bigyan pa ng pagkakataon
Upang ang aking buhay ay muling lumaon.
At muling makasabay sa daloy ng panahon.
Ngunit marahil ang kasaguta’y hindi.
Sapagkat ang aking sigla’y di nanumbalik.
Marahan nang nilamon ng sakit na sa aki’y
humalik
Ang buhay na di muling maibabalik.
At sa pagkakataong ito,
Nais kong ikaw ang kapiling ko.
At sa iyong tabi ay mahihimlay ako
Upang ang mga huling sandali ay masaksihan
mo.
Ang huling hiningang ibubuga,
Ang mga nalalbing habiling ipapaalala,
Ang tunog ng tibok ng bumabagal na puso,
At ang huling daloy ng rumaragasang dugo.
Marahil ay wala nang kahit ano pang paraan
Upang itong pamamaalam ko ay tuluyang
Mapigilan.
Bagkus patuloy na lamang kitang pagmamasdan
Kasabay ng pagsuko ng buhay na sa Kanya ay
hiniram.

jan 26 00

Miyerkules, Pebrero 22, 2006

takip-silim

may mangilan-ngilang oras ko na ring binabaybay ang kahabaan ng kalayaan; di inaalintana ang patak ng ulan na sumasaboy sa aking yayat na katawan. waring isang basang sisiw na naglalakadsa kawalan. hindi ko maubos maisip kung bakit tila ako'y walang kahapuan sa kabila ng mahabangpaglalakbay, tila ako'y dinadala na lamang ng sariling mga paa kung saan nito naising pumunta. tila baga may sariling pag-iisip at ako'y kanyang minamanipula at pinasusunod sa bawat kautusang nais ipagawa.

muli akong bumalik sa aking ulirat nang ako'y magpasyang sumilong at magpatuyo mula sa ngayo'y tumitilanang ulan. malamig ang paligid, malakas ang hanging dumadampi sa aking pisngi. tila isang mapagkalingangdaliri na umaanyaya sa aking silid. nais kong matulog...matulog at tuluyang makalimot as makamundongrealidad at mamuhay na lamang sa palasyo ng mga panaginip.

hindi ko mawari kung ano ang nais mong ipahiwatig. marami ang aking mga katanungan...mga katanungangikaw lamang ang makpagbibigay ng kasagutan. tila isa kang unos sa isang payapang kabukirang may dalang panganib. subalit sa kabila ng kaakibat mong panganib, ako'y isang alipin na patuloy pa ring nagaantay sa iyong pagdating. subalit hanggang kailan? nais kong malaman ang layonng minsang mong pagdating...nais kong malaman ang iyong kabuluhan.

hindi ko maubos maisip kung ikaw ba ay pawang totoong nilalang o isang ilusyon...isang tau-tauhang nilikha lamang ng aking mapaglaro at mapanlinlang na pag-iisip. nais kitang ikubli at angkinin subalit papaano?kailan? saan? marahil ay hindi ako pahihintulutan ng maramot na pagkakataon at mapagsariling tadhana, marahil ayipagpatuloy ko na lamang ang aking paghihintay bagamat walang katiyakan kung ika 'y muling masisilayan. marahil patuloy ko na lamang lulunurin ang sarili sa pag-asang baka dumating ang pagkakataong ako'y iyong sagipin. magsisilbi na lamang akong isang dilim na maghihintay habang ikaw na isang araw ay nagsasaboy ng liwanag sa ibang himpapawid.

gumagabi na. tila mga bituin na lamang ang nagbibigay ilaw sa daan bukod sa madalang na pagdaan ng mga rumaragasang sasakyan. tuyo na ang kaninang basang kamisetang kumakapit sa aking dibdib...tuyo na ang sapatos na kanina'y tumutunog sa bawat hakbang na itapak...tuyo na ang mga matang kanina'y naliligo sa hindi mabilang na patak ng luha. uuwi na lamang ako, marahil sa sandaling pumasok ako bahay ay naroon ka na at naghihintay...


2-10-06

Biyernes, Setyembre 03, 2004

selda


kung nakapagsasalita lamang ang apat na pader ng silid na ito, marahil ay naisiwalat na ang bawat emosyong ikinulong ko sa loob nito. ang bawat ganit at pagkamuhi sa sarili.

kung nakapagsasalita lamang ang sahig na kinatatayuan ko, marahil ay nailahad na ang bawat patak ng luhang iniiyak sa bawat gabing nagagambala ang aking pag-iisip.

kung nakapagsasalita lamang ang kisame ng silid na ito, marahil ay napigilan niya ang bawat pagdanak ng dugo sa bawat pagkakataong sumisilab ang damdamin ko.

kung nakapagsasalita lamang ang silid na ito...ngunit hindi. bagkus ito'y patuloy na lamang na magmimistulang piping saksi sa bawat yugto ng panahong aking tatahakin.


isinulat noong hunyo 6, 2003

Huwebes, Setyembre 02, 2004

querida

(alay sa mga number two)

Umaga,
Pigilan mo ang nagbabagang araw sa kanyang pagdungaw.
Huwag mong pahintulutan ang bawat nakasisilaw niyang sikat
Na sumaboy sa buong nahihimlay na kapaligiran.
Hayaan mong kahit ngayo’y humaba ang nananahimik na gabi
At minsan pang pagharian muli ng buwan ang madilim na himpapawid
Sampu ng mga nagkikislapang bituin sa langit.

Sapagkat sa maikling pagkakataon lamang na ito,
Ang mga inaasam-asam ko’y matatamo.
At ang mumunti kong mundo’y muling magpapatuloy sa pag-inog.
Hayaan mong sarilinin namin ang bawat ipinuslit na sandali
At nang ang mga masisidhing damdamin ay di na kailangan pang ikubli.
Sapagkat ang ganitong pagkakataon ay maaring di na muling maulit.

Gabi,
Huwag mong hayaang ipaghele ako ng antok
Kasabay ng init ng kumot na sa akin ay bumabalot.
At nawa’y iligtas mo ako sa pagkalunod sa mundo ng nakasusuklam na bangungot.
Hayaan mong sa makamundong realidad, kami ay saglit na bumukod
Upang ang kanyang damdamin sa akin ay malugod niyang ituon.
Sapagkat alam kong sa sandali lamang na ito, wala nang iba pa kundi ako.

Umaga,
Huwag kang maging maramot, ika’y magparaya.
Huwag mong kitilin itong ligayang nadarama
At hayaang ang damdaming nauumid ay patuloy na pumakawala.
Sa huling pagkakataon ako’y nagmamakaawa.
Nawa’y pigilan mo ang iyong liwayway sa pagbuka.
Sapagkat sa paglaho ng mapagkandiling gabi,
Ako’y patuloy na niyang lilisanin.

isinulat noong disyembre 10, 2002

pugante

Ako baga ay tila hapong hapo
Sa walang tigil na kakatakbo
Mula sa paligid na kay gulo.
Nais ko nang makatakas sa pangungulila.
Ngunit kahit saang dako magpunta,
Presensya mo’y laging nadarama.
May tatlong taon na ang nakakalipas
Ngunit alaala mo’y di pa rin kumukupas.
Tila walang oras na ito’y nakaalpas.
Ani mo’y isang alipin
Na naghihintay na lamang kitilin
Ang buhay na di na kayang baguhin.
Nais kong pumakawala,
Makalaya,
At ang nadarama’y humupa.
Subalit kahit ako’y patuloy pang tumakas,
Kahit ubusin pa ang lahat ng lakas,
Kahit abutin pa ng ilang bukas,
Alam ko,
Alam ko sa aking sarili,
Na patuloy pa rin kitang iisip-isipin.

isinulat noong pebrero 28, 2002

gising na


Kay siglang pagmasdan ang himbing
Na bumabalot sa iyong mga hilik.
Nais kong dumait sa iyong tabi at ang aking mga mata’y ipikit.
Ngunit kahit anong pilit ang gawin,
Ay patuloy akong nananatiling gising sa gitna nitong madilim na silid.
Nais kitang gisingin sa aking mga halik at ito’y idampi sa iyong mga labi.
Nais kitang gisingin
at ikulong sa nanabik kong mga bisig.
Nais kitang gisingin sa haplos nitong
mapagkandili kong mga daliriat saka ilalapit sa iyong mga pisgi.
Nais kitang gisingin sa bulong ng aking tinig
at sabihing mahal kita sa kahit na anong himig.
Nais kitang gisingin sa dagundong ng tibok nitong nauuhaw kong puso
at amining wala nang ano pang bagay ang nanaisin.
Nais kitang gisingin
At patuloy na ngang mahimlay sa iyong tabi.
Ito na wari ang pinakahihintay kong sandali
Upang palayaing pilitItong damdaming alipin sa masidhing pananahimik.
Ngunit nang kita’y akin nang pupukawin,
aking napansin na ikaw pala ay mayroon nang katabi.
Agad na nadama ang hapdi
at sadyang di mapigilan ang hikbi.
Aking napag-isip-isip
Na marahil ay hindi na lamang kita gigisingin.
At marahil ako’y patuloy na lamang na
Magmamasid sa iyong pagkakahimbing.


isinulat noong abril 22, 1999

Lunes, Agosto 30, 2004

ebadan

(alay sa ikatlong kasarian ng lipunan)

naglalakad sa may ermita,
kumakayod upang kumita.
ako ay hindi isang puta,
hindi rin isang manganangta.

ako'y isang lalake noon,
naging isang babae ngayon.
ang aking tagong katauhan,
ngayo'y lantad na sa lipunan.

ako ay pinagtatawanan,
ako ay pinandidirihan,
tulad ko'y alipin ng laman.
sabi, ako'y salot ng bayan.

ako ay huwag n'yong hatulan.
ako ay huwag n'yong layuan.
subalit ako'y inyong tignan
sa panloob na kaanyuan.

'pagkat ako ay isang EBADAN,
may pinagsamang katauhan,
maging lantad o tago pa man,
'di ikahihiya kailanman.


isinulat noong taong 1999