Biyernes, Abril 04, 2008

kundiman

sa sinisipat kong gunita,

ikaw ang tanging kantang
hindi malapatan ng musika.
pilit ko mang awitin ay
tila walang tinig ang marinig.
pilitin ko mang bumirit,
paos na boses ang isinasambulat ng bibig.

nais kitang awitan
at hayaang ang ritmo nito ang sa iyo'y yumakap.
nais kong ibulong ang damdamin
sa pamamagitan ng mapagkandili nitong uyayi.
nais kong isa-titik yaring isinisigaw ng aking sarili
at hayaang saniban ako ng kaluluwang mulat
upang hindi lamunin ng mapang-akit na gabi
ang natitirang lasing na pag-iisip.

sa pagkalabit ng marurupok na kwerdas
ng inaalikabok kong gitara,
imahe mo ang kumikiliti
sa ulirat na lango sa halimuyak ng iyong alaala.
ang mapupungay mong mga mata
at ang iyong taglay na ngiti
na dulot ay kakaibang kilig sa akin.

nais kong isa-himig ang iyong alaala..
ang alaala nating dalawa..
hanggat narito pa ang nakaraan sa lumbay na aking nadarama.
marahil sa pagkakataong ito,
ako ay iyong muling lingunin
at sa ganitong paraan,
ikaw na aking musika,
ay muli nang magbalik sa akin..

2 komento:

GraceMags ayon kay ...

i think longing is the right word to describe what this piece makes me feel.

pen ayon kay ...

yeah..
it's so painful to long for someone whom you know won't come back..

bwahahahha! dulot ng malikot na pag-iisip lang :)

tnx GM's!