Sabado, Agosto 30, 2008

apat na taon na!

kaarawan ng blog ko ngayon at apat na taong gulang na siya. ito ang unang beses na ipagdiriwang namin ang birthday niya. yey! alas nueve y media na ng umaga nang makarating ako sa shaw blvd galing sa trabaho, mainit at masakit na sa araw ang pangungutya ni haring araw. pero kahit ganoon, pinasok ko pa rin ang bawat 7-11 at ministop na madaanan ko para bumuli man lang kahit na maliit na cake para sa kanya (pambawe.. maliit lang na cake, diet daw siya e). sa kasawiang palad, wala akong nakita nung hinahanap ko. nakabusangot na akong sumakay ng dyip na pasig pauwi. inaantok na ako at ipinaghehele na ako ng ulirat kong kanina pa gustong humiwalay sa katawang lupang bugnot.

sa kalagitnaan ng mainit na singaw ng biyaheng bumabaybay sa kahabaan ng pasig blvd, tila isang palakol ang tumama sa isipang lango sa pagod at antok. WHAPEEENG! alam ko na kung saan ako makakabili!! napangisi ako bigla at nagalak (bigla ako napatingin sa paligid..baka may nakakita at isiping bagulan ang isang katulad ko..buti na lang at wala).

nakarating ako sa destinasyon ko at dumeretsyo sa isang bake shop. bumili ako ng maliit na cup cake at isang kandilang dilaw. dali dali akong umuwi at eto ang nangyari...


at dahil diet daw si blog, ako na lang ang kumain ng cup cake niya.. papel at kandila na lang ang natira.
buuurrrp!

Miyerkules, Agosto 27, 2008

salamat!


mailap ang pagdalaw ng inspirasyon nitong nakaraang mga araw. marahil ay utal sa samu't saring dinadala ang sariling kaisipan. pilit mang humabi ay tila isang tigang na lupa pa ring naghihintay sa patak ng ulan.

ilang araw na lamang ay apat na taon na mula nang simulan kong buuin ang bakuran na ito. noong una'y imbakan lamang ito ng mga binuong salita hango sa paglalaro ng kaisipan. ni minsan, sa hinuha'y hindi ko napagtanto na isang mundo ang mabubuo sa lagusang ito. isang mundo kung saan mas mapag-iigting ang kakayahang naitatago ko.

natutunan kong alisin ang mga agam-agam sa sarili nang masimulan kong magsulat. nabuwag ang harang na namamagitan sa akin at sa mga taong nasa paligid ko. unti-unting nabuo ang tiwala para sa katauhang nasa likod ng isang palaboy. naging masaya ako.

ano ang nais kong iparating sa artikulong ito? simple lamang... hindi man kita makilala sa personal, nais kitang pasalamatan. kung hindi dahil sa iyo, hindi mabubuo ang mundo kong ito. sa loob ng apat na taon, isa ka sa naging
dahilan kung bakit patuloy na dumdaloy ang tinta ng panulat ko. sa panahong inilaan mo upang hagurin ng iyong mga mata ang mga salitang nakalathala sa pahinang ito, maraming salamat. isang karangalan ang makadaupang palad ang isang tulad mo.

hindi masasabi ng panahon kung hanggang kailan ang pagdaloy nitong mga salitang ipinagtagpi tagpi. subalit gayon pa man, saan man tayo abutin, masaya ko itong haharapin. hanggat may tinta itong panulat, hindi ako titigil sa pagsulat.

maraming salamat kapatid!

Huwebes, Agosto 14, 2008




igunuhit sa ating mga palad
ang landas patungo sa kasalukuyan.
naging mapait man ang nakaraan,
umagos itong tila isang ilog na rumaragasa.
tinahak ang pagkakataong ibinigay ng hawak-kamay.
sinuong at nilagpasan ang bawat balakid sa daraanan.
tulad mo, magpapatuloy ako.
magpapatuloy tayo..