mailap ang pagdalaw ng inspirasyon nitong nakaraang mga araw. marahil ay utal sa samu't saring dinadala ang sariling kaisipan. pilit mang humabi ay tila isang tigang na lupa pa ring naghihintay sa patak ng ulan.
ilang araw na lamang ay apat na taon na mula nang simulan kong buuin ang bakuran na ito. noong una'y imbakan lamang ito ng mga binuong salita hango sa paglalaro ng kaisipan. ni minsan, sa hinuha'y hindi ko napagtanto na isang mundo ang mabubuo sa lagusang ito. isang mundo kung saan mas mapag-iigting ang kakayahang naitatago ko.
natutunan kong alisin ang mga agam-agam sa sarili nang masimulan kong magsulat. nabuwag ang harang na namamagitan sa akin at sa mga taong nasa paligid ko. unti-unting nabuo ang tiwala para sa katauhang nasa likod ng isang palaboy. naging masaya ako.
ano ang nais kong iparating sa artikulong ito? simple lamang... hindi man kita makilala sa personal, nais kitang pasalamatan. kung hindi dahil sa iyo, hindi mabubuo ang mundo kong ito. sa loob ng apat na taon, isa ka sa naging
dahilan kung bakit patuloy na dumdaloy ang tinta ng panulat ko. sa panahong inilaan mo upang hagurin ng iyong mga mata ang mga salitang nakalathala sa pahinang ito, maraming salamat. isang karangalan ang makadaupang palad ang isang tulad mo.
hindi masasabi ng panahon kung hanggang kailan ang pagdaloy nitong mga salitang ipinagtagpi tagpi. subalit gayon pa man, saan man tayo abutin, masaya ko itong haharapin. hanggat may tinta itong panulat, hindi ako titigil sa pagsulat.
maraming salamat kapatid!