para kay lucien
ika 27 ng abril, unang patak ng ulan sa tag-init. bahagyang lumamig ang paligid sapat upang maginhawahan ang sariling nanggigitata sa pawis.ang himpapawid ay makulimlim, si amang araw ay panandaliang nagtatago sa likod ng kanyang nangakapal na mga ulap. ang hangin ay tila umuungol sa hinagpis tila nakikisabay sa pagdadalamhati.
subalit sa kabila ng biglaang alburoto ng panahon, ang bawat isa sa kapaligira'y abala pa rin sa kanilang ginagawa. patuloy sa pagdiskarga ng mga case ng beer ang mga kalalakihan sa tabing sari-sari store. ang tindera ay hapong sumisigaw at naglalako ng kanyang tindang kakanin, bitbit sa kaliwang kamay ang bilao at sa kanan ang isang kupas na mabulaklak na pulang payong. ang kambal kong kapitbahay ay patuloy sa pagpapadyak sa kinakalawang nilang mga bisekleta, tila nag-uunahang pabalik-balik sa madulas na kalsada. ang iba pang mga bata ay maligalig na nagtatampisaw at masayang naglalaro sa malamig na luha ng kalangitan. bahagya akong nanlumo sa naobserbahang kapaligiran. ako'y napaisip at nagsumamo na papaanong ang oras ay patuloy na umiinog, bakit ang lahat ay patuloy sa kanilang pinagkakaabalahang bagay, samantalang ang isang tulad ko ay balisa at nangungulila sa aking ama.
isang taon na ang nakakalipas, mismong sa araw na ito ko huling naramdaman ang init ng yapos ng aking ama. huling nasilayan ang kanyang matamis na ngiti. "bye!" ang huli nyang katagang sinabi, patungo sila kasama ng aking ina sa heart center upang magpaadmit. bagamat may halong pangamba, bahagya akong nagalak sapagkat maisasakatuparan na ang matagal nang operasyong hinihintay. subalit dalawang araw ang nakalipas, isang tawag ang natanggap ko mula sa aking kapatid.. pumanaw na ang aking ama.. nawala ang aking ulirat. hindi ako magkamaliw kung ano ang dapat na gawin, tila isang malamig na tubig ang bumuhos sa aking buong katawan, tila lahat ng aking pandama ay ipinuslit ng mapaglarong pagkakataon. unti-unti na akong pinapaso ng nag-uunahan kong mga luha.. papaano kami? papaano ang kapatid kong nag-aaral pa? papaano ang kapatid kong nasa ibang bansa? papaano ang aking ina? tila nilamon ng luha ang aking wisyo. at tila gumuho ang mundo ko sa magkakahalong emosyon. takot. pangamba. pangugulila.tumigil ang oras. bawat segundong lumilipas ay katumbas ng mahaba at mapait na oras. wla na ang haligi ng pamilyang ito.
mahirap masanay nang hindi siya nasisilayan. mahirap sapagkat buong buhay ko ay nariyan siya at gumagabay. bawat hakbang sa paglaki naming magkakapatid, siya ay nakaantabay at nakamasid. tila kahapon lamang nang huli kong makita ng kanyang matamis na ngiti, ang kanyang mainit na yakap at malutong na halakhak. narito pa rin ang natatanging amoy ng kanyang damit at natatanging halimuyak ng kanyang pabango. kung minsa'y pakiramdam ko ay nasa likod ko lamang siya, nakasunod sa bawat galaw na gawin ko. subalit kung akin na siyang lilingunin, agad siyang naglalaho. tila isang elementong nilikha ng aking pag-iisip. kung narito lamang siya ay makikisabay siya sa mga batang naliligo sa lakas ng ulan at marahil, siya ay magluluto ng mainit at masarap na arroz caldo. kung narito lamang siya ay mapapawi niya itong pangungulilang nadarama. subalit wala na ang aking ama..
kasabay ng pagpagaspas ng mga nagsasayawang dahon mula sa puno ng matinik na boungamvilla, hinawi ko ang mga luhang kanina'y nahihiyang tumulo mula sa aking mga mata. mga luhang rumaragasa habang nanunumbalik ang mga naiwang alaala ng aking yumaong ama. dalawang araw mula sa ngayon, isang taon na ang nakalipas mula ng siya ay pumanaw. isang taon. isang taong hinagpis. isang taong pangugulila. isang taon upang matanggap ang lahat ng mga pangyayari. isang taon upang sya ay lubusan ko nang palayain.
ika 27 ng abril, tumila na ang unang ulan sa tag-init. maliwanang na ang himpapawid. ang mga ibo'y masaya nang humuhuni, tila isang hudyat upang itong pagluluksa'y hindi na muling ikubli. isang pahiwatig na siya ay naroon na sa Kanyang piling.. malaya ka na.
5 komento:
pagbibigay pugay sa lahat ng haligi ng tahanan.. maraming salamat sa inyo..
Na miss ko din ang aking tatay. Linsyak!! Hindi man lang nya nasilayan ang kakulitan ni Kulay. peo alam ko masaya na sila sa piling ng ating Dakilang Manlilikha. Pagpalain!!!!
pa..
salamat sa matatamis mong mga ngiti na nagpatibay sa kalooban kong nangangamba..
salamat sa mainit mong mga yakap sa panahong ako'y nag-iisa..
salamat sa mga pangaral mong nagtuwid sa mga kamalian ko..
salamat sa pagmamahal mo kay mama at sa mga kapatid ko..
hindi man sapat ang isang libong salamat na maisusulat dito,
hindi man matumbasan ng mga salita ang pangungulilang nadarama..
idadaan ko pa din ito sa paraang makakaya ng panulat ko.
magkikita din tayo pa..aantayin ko ang pagkakataon na iyon...
******
saludo ako sa lahat ng mga butihing ama!
salamat sa pagdalaw zkey ar oldskul!
mahirap pakawalan ang taong mahal mo... ako, inabot ako ng dalawang taon bago ko tuluyang napalaya ang papa ko! malapit na nga pala ang kanyang kaarawan, sa araw ng mga puso...siguro nagkita kita na ang ating mga ama dun sa langit..hehe...
marahil..circle of friends..tulad ng mga anak nila sa lupa..
i miss you papa!
Mag-post ng isang Komento