Photobucket

Biyernes, Mayo 30, 2008

Ang Pangalan ko ay Pen Palaboy


Ako si Pen Palaboy. Hindi ko tunay na pangalan subalit mas kilala sa ganyang bansag. ilang taon na din ang nakalilipas noong una kong bininyagan ang sarili sa ganyang tawag. Napagtanto ko, bakit nga ba tila nakatayo ako sa likod ng pangalang ito? Wala naman akong kinatatakutan o pinagtataguang nilalang. Totoo naman ako sa aking sarili, sa aking ipinahahayag at sa aking isinusulat. Totoo ako sa lahat ng nakakakilala sa akin. Subalit sa kabila ng lahat, bakit pinili ko pa ring maging anino ng isang pangalang binuo lamang ng aking pag-iisip? Sa totoo lamang, kung hindi dahil sa challenge na ito, hindi ko maitatanong ang sarili kung bakit kailangang magkaroon ako ng pen name.

Napagisip-isip ko na marahil para sa karamihan, ang pagkakaroon ng isang alyas ay isang paraan para magkaroon ng misteryo ang kanilang identity. Naroon nga naman ang thrill kung hindi kilala ng mga mambabasa ang tunay na pagkatao ng may akda, kung baga isang blind item pagdating sa usapang showbiz. Malaya nilang nasasabi ang nais nilang isiwalat nang hindi nalalaman kung sino ang tunay na nilalang sa likod ng pangalan. Ngunit sino nga ba naman ako upang magsalita para sa kanila? Hindi ko hawak ang kanilang saloobin at pagkatao sa usaping ito. Para sa akin, sa tuwing nag-uumpisang maging aktibo ang panulat ko, isang panibagong nilalang ang nabibigyang buhay. Isang katauhang malayo sa AKO sa pang-araw araw na pamumuhay. Sa pagkakataong iyon, naihahayag ko ang nais kong sa sabihin sa paraang alam kong gawin.

Sa realidad, ang katawang lupa ay nakatali sa maraming bagay: trabaho, bahay at pamilya. Mga bagay na dapat pagtuunan ng pansin at ng oras. Kahit anong paraan ay hindi kailanman matatakasan ang mga bagay na ito. Tila ang sarili ay nakakulong sa apat na sulok ng isang kahon. Limitado ang bawat galaw at bilang ang bawat hakbang. Alam kong obligasyon ko ito sa mga kaluluwang nakapaligid sa akin. Subalit sa isang banda, masasabi kong hindi ako malaya. Hindi malayang gawin ang mga bagay na lubusang makapagpapaligaya sa akin. Marami nang pagkakataon ang kumatok para maabot ko ang minimithing mga pangarap subalit sa hindi matawarang mga katungkulan, madalas ay kibit-balikat ko na lamang na pinapanood ang pagdaan nito sa aking harapan. Sa mga ganitong okasyon, matinding kalungkutan at pagsisisi ang bumabalot sa akin lalo pa at hindi ko nakasanayang maging bukas sa aking tunay na nararamdaman. Marahil ay dulot na rin ng pangambang baka ako ay hindi maintindihan at hindi mapankinggan. Alam ko na ang sariling hinaing ay wala sa kalingkingan ng sakit na dinarananas ng ating lipunan. Subalit kung ang bawat butil nito ay iipunin, isang tipak ng nagpupumiglas na kalooban ang mabubuo. Kaloobang puno ng katanungang wari ay wala nang katapusan.

Bago ako naging ganap na si Pen Palaboy, nagsimula ako bilang si Penslave. Pen dahil sa hilig ko sa pagsusulat at slave dahil ako ay alipin ng aking panulat. Hindi nagtagal at dumating ako sa panahong kinailangan kong humanap ng kasagutan sa mga tanong na patuloy na namumutawi sa aking pag-iisip. Mga tanong na kahit isulat pa ang buong litanya nito ay hindi matutuldukan ang walang katapusang mga pag-aagam agam. Dahilan upang tumigil ang aking kamay sa paghabi ng mga salita. Sinuyod ko ang bawat kayle at eskinita ng aking kaisipan kasabay ng paglalakbay ng aking mga paa. Paglalakbay na walang eksaktong lugar na pinanggalingan at walang eksaktong patutunguhan. Nakalutang ako. Lango sa problema. Hinayaan kong matuklasan ng mga lumilipas na oras ang bawat sagot sa kumakalampag na mga tanong sa akin. Sa hindi matawarang dahilan, nakatulong ang paglalakbay. Nahanap ko ang mga kasagutan sa mga salitang saan, papaano, kailan at bakit. Sa pagkakataong iyon, muling dumaloy ang natuyo kong tinta. Muli akong kumapit sa panulat at humabi ng salita. Dito isinilang si Pen Palaboy.

Bilang si Pen Palaboy, nasimulan kong ilahad ang lahat ng nasa isipan ko. Lahat ng mga nakabibigat sa kalooban ay unti unti kong napakawalan sa tulong nitong butihing panulat. Noong una ay wala akong pakialam basta’t nagsusulat ako sa sariling kagustuhan, bilang outlet at hingahan ng problema. Hindi nagtagal, nagkaroon ako ng mga mambabasa, mga kaibigan at mga tagahanga. Dito, naramdaman ko na kabilang ako sa sirkulo ng bagong mundong ginagalawan ko. Kinagiliwan ko ang mainit nilang pagtanggap. Ang bawat salitang isulat ay katumbas ng tunog ng isang batingaw, nililingon, dinidinig at binibigyang pansin. Masaya ako. Malaya.

Sa mundong pinaghaharian ng kabi-kabilang kurapsyon, trapiko at pagbabago, ako ay tinatawag na DANG. Tahimik at hindi naririnig ang munting tinig. Sa mundo ng salita, larawan at kuro-kuro, ako ay kilala bilang PEN PALABOY. Nilalang na ang tanging sandata ay emosyon bilang sinulid sa bawat salitang hinahabi. Hindi man natamasa ng katawang lupa ang kalayaang inaasam, sa mundong ito ay malayo pa ang mararating ng bawat salita ko. Kasama mo, aangkinin natin ang mundong ito.

__________________________
"This is my entry to the Blog Awards Challenge No. 3: The Hazards Of Honesty"

16 (na) komento:

Mel ayon kay ...

dakila!

isasama natin sa mga dasal natin ang entry mo ate pen, pero dahil mga solid na rak en roll tayo, ang bukod tanging kagustuhan ko ay mabasa ng madaming tao ito.

onga pala ate pen, gusto ko sana kunin ang link ng entry mo na to, kasi magandang tugon to sa isang post ng isa ring kaibigan(marge ang name nya sa bloglist ko) ang huling post nya kasi ay tungkol sa anonymous blogging hekhek!

o mas maganda siguro na papuntahin ko na lang siya dito para mas ok? haha!

apir ate pen, kung tatlo lang ang kamay ko lahat yun ay may tumatagingting na thumbs up! weepee!

pen ayon kay ...

kuya m! salamat sa pagdaan at pag-iwan ng bakas.. im soo touched :) akap akap!

cge ok lng na bigay kay marge ang entry :D

isang karangalan kuya m!

WebbieLady ayon kay ...

AbC Bloglearner says...

Sana manalo ka Pen.. good luck.. napakagaling mong mag organize ng thoughts mo and dumudugo ilong ko sa fluency mo sa Filipino language.. hehehe... bisaya abi kami! (^_^

AbC Bloglearner

b3ll3 ayon kay ...

ang galing talaga ni ata pen!
for sure mananalo ka! nasa yo ang support namin ate pen!

labyu!

pen ayon kay ...

@ ABC
salamat sa pagdaan ha. high school pa lang ako i opted to write in filipino. there's more to learn though :D maski ako minsan nose bleed din hehehe!


@ bunso
salamat sa supporta. hindi ko nman hangad manalo. salamat sa suporta. ang madaanan ng mga mata nyo at mabasa ang entry ko ay isa nang karangalan. parang nakilala nyo na din kung sino talga si pen..naks drama hehe!


hugs hugs hugs!

TanTruM ayon kay ...

sure win na yn pen!!! ikaw si pen isa sa mga npagkatiwalaan ko ng mga sikreto ko mga maling nangyari sa buhay ko...patunay lang ng pagiging tunay na kaibigan mo skin at iba pa...mabuhay k kapatid!!!

Gatsulat ayon kay ...

husay. kala ko ako lang ang nagpasa ng entry na filipino. kudos ate!

pen ayon kay ...

@ tantrum
salamat kapatid..akaap!

@ vern
hiyee! 2 tayo nagpasa in filipino..unu iba binasa ko gagaling..nose bleed lang ako hehe..good luck sateng lahat!

Pinoy Wit ayon kay ...

hello pen. nag vote ako for you ha. kaso lang hindi pa nila pinopost yung vote ko. baka ibang blog ang nilagyan ko ng comment. hahaha. basta i voted for you na.

baka later pa nila ipopost :)

pen ayon kay ...

uyee GM's salamat!
*palakpak tenga*

Pasyon, Emmanuel C. ayon kay ...

hehe.

identity is power.

[hidden identity = hidden power?! wtf?!]

tingin mo pareng ernie?

Verso para Libertad ayon kay ...

good luck sa entry mo. para saken, yung totoong tao sa likod ni pen palaboy ang mas mahalaga. ingat ka lagi...

Mel ayon kay ...

weeee weeee weeee, pano at saan vote ate pen? gusto ko rin dumugo ilong ko sa kakabasa ng iba? pano po mapunta dun? owyeah! sori late reply, napapadalas ang paglalasing eh haha!

pen ayon kay ...

@ pasyon..
heheh natawa ko..hidden powers nga siguro :D salamat sa pagdaan!

@ VPL
salamat VPL!iilang tao lang ang nakakakilala sa tunay na dang at tunay na pen palaboy..maswerte ako dahil kahit sino sa dalawang iyon e tinaggap mo ng buong buo. salamat sa pagiging kaibigan!

@ kuya m
kuya mmm! hugs! punta ka po sa link na to:
http://www.theblogawardchallenge.com/2008/06/blog-challenge-3-entries-vote-for-your.html
salamat! lahat magagaling! good luck sa lahat!

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Damang-dama ko ito,Pen Palaboy.

Tsaka alyas mo palang ay astig na.

pen ayon kay ...

salamat anino..
salamat sa iyong pandama..

WRITE! LIVE! LOVE!