Photobucket

Sabado, Disyembre 27, 2008

undas

quince minutos makalipas ang alas quatro ng hapon. maalinsangan ang paligid. muli kong sinipat ang kasuluk sulukan ng aking pag-iisip. marahang binuklat ang pahina ng alaalang inaamag sa kadiliman, hindi para tuluyan kang kalimutan kundi para tuluyang maglaho ang pangungulilang nadarama. pinilit kong ibaon ang kalungkutan, ibinaling ang sarili sa kahit na anong bagay na makakaaliw sa akin. subalit kahit ano ang gawin, sa iyo pa rin ako bumabalik.

ilang taon na ba?dalawa? magtatalo? tila kahapon lang nang huli kong nasilayan ang matamis mong ngiti. ang init ng iyong yakap ay nananalaytay pa din sa aking tabi. ang halimuyak mo'y patuloy pa ding hinahanap nitong aking pandama. ang iyong tinig ang pilit pa ding dinidinig.

marahan kong sinilayan ang mga larawan ng nakaraan; mga larawang taglay ang sigla ng panahong pinagdaanan. sambot nito ang mga ngiti at halakhak na nadirinig sa sandaling ang mga mata'y ipikit. nasaan ka na ba? alam kong maayos na ang iyong kalagayan. naalala mo ba noong narito ka, tila walang katapusan ang bawat oras. kumpleto. masaya.

ilang sandali pa ay naramdaman ko na ang init ng mga luhang pumapatak. bahagyang pinunasan ang hiyas nitong pagdadalamhati. kung maririnig mo lamang ang boses nitong damdamin, pahihintulutan ka kayang muling magbalik? kahit ilang saglit lamang ang ibigay ng Maykapal ay susulitin, muli lamang Niya ipagkaloob ang nagdaang panahon.

minuto pa ang binilang at hindi ko man lang namalayan na ako pala ay bahagya nang nahimbing. lunod sa luha at dalamhati, bigla kong naramdaman ang lamig na biglang yumakap sa akin. pikit mata kong inaninag ang iyong imahe, nakatitig sa akin, tila puno ng pagmamahal at kaligayahan, taglay ng iyong mukha ang payapang ngiti. boses mo ang sunod kong nadinig, nangungusap at nagpapaalala na narito ka lamang. nakamasid at patuloy na gumagabay sa amin. "hindi kita kailanman pababayaan," dagdag mo pa sa iyong sinabi. unti unti kong iminulat ang mga mata at kasabay nito ay ang unti unti mong paglaho, tila usok na naglalaho sa kawalan. gayun pa man, kahit muli kong nakikita ang muling pagkupas ng iyong mukha, panatag ako. pagkat alam kong nariyan ka lamang.

alas singco ng hapon, gagayak na ako patungo sa oswaryo dala nag sampaguita, ilang punpon ng bulaklak at dalawang puting kandila na aking sisindihan. patuloy kong ipagdarasal ang patuloy mong kapayapaan.

2 komento:

wanderingcommuter ayon kay ...

peace is all we really long for...

pen ayon kay ...

hi ewik! kamusta?
oo..kapayapaan para sa mga lumisan.

hamishoo!