kung nakapagsasalita lamang ang apat na pader ng silid na ito, marahil ay naisiwalat na ang bawat emosyong ikinulong ko sa loob nito. ang bawat ganit at pagkamuhi sa sarili.
kung nakapagsasalita lamang ang sahig na kinatatayuan ko, marahil ay nailahad na ang bawat patak ng luhang iniiyak sa bawat gabing nagagambala ang aking pag-iisip.
kung nakapagsasalita lamang ang kisame ng silid na ito, marahil ay napigilan niya ang bawat pagdanak ng dugo sa bawat pagkakataong sumisilab ang damdamin ko.
kung nakapagsasalita lamang ang silid na ito...ngunit hindi. bagkus ito'y patuloy na lamang na magmimistulang piping saksi sa bawat yugto ng panahong aking tatahakin.
isinulat noong hunyo 6, 2003
Biyernes, Setyembre 03, 2004
selda
Huwebes, Setyembre 02, 2004
querida
(alay sa mga number two)
Umaga,
Pigilan mo ang nagbabagang araw sa kanyang pagdungaw.
Huwag mong pahintulutan ang bawat nakasisilaw niyang sikat
Na sumaboy sa buong nahihimlay na kapaligiran.
Hayaan mong kahit ngayo’y humaba ang nananahimik na gabi
At minsan pang pagharian muli ng buwan ang madilim na himpapawid
Sampu ng mga nagkikislapang bituin sa langit.
Sapagkat sa maikling pagkakataon lamang na ito,
Ang mga inaasam-asam ko’y matatamo.
At ang mumunti kong mundo’y muling magpapatuloy sa pag-inog.
Hayaan mong sarilinin namin ang bawat ipinuslit na sandali
At nang ang mga masisidhing damdamin ay di na kailangan pang ikubli.
Sapagkat ang ganitong pagkakataon ay maaring di na muling maulit.
Gabi,
Huwag mong hayaang ipaghele ako ng antok
Kasabay ng init ng kumot na sa akin ay bumabalot.
At nawa’y iligtas mo ako sa pagkalunod sa mundo ng nakasusuklam na bangungot.
Hayaan mong sa makamundong realidad, kami ay saglit na bumukod
Upang ang kanyang damdamin sa akin ay malugod niyang ituon.
Sapagkat alam kong sa sandali lamang na ito, wala nang iba pa kundi ako.
Umaga,
Huwag kang maging maramot, ika’y magparaya.
Huwag mong kitilin itong ligayang nadarama
At hayaang ang damdaming nauumid ay patuloy na pumakawala.
Sa huling pagkakataon ako’y nagmamakaawa.
Nawa’y pigilan mo ang iyong liwayway sa pagbuka.
Sapagkat sa paglaho ng mapagkandiling gabi,
Ako’y patuloy na niyang lilisanin.
isinulat noong disyembre 10, 2002
pugante
Ako baga ay tila hapong hapo
Sa walang tigil na kakatakbo
Mula sa paligid na kay gulo.
Nais ko nang makatakas sa pangungulila.
Ngunit kahit saang dako magpunta,
Presensya mo’y laging nadarama.
May tatlong taon na ang nakakalipas
Ngunit alaala mo’y di pa rin kumukupas.
Tila walang oras na ito’y nakaalpas.
Ani mo’y isang alipin
Na naghihintay na lamang kitilin
Ang buhay na di na kayang baguhin.
Nais kong pumakawala,
Makalaya,
At ang nadarama’y humupa.
Subalit kahit ako’y patuloy pang tumakas,
Kahit ubusin pa ang lahat ng lakas,
Kahit abutin pa ng ilang bukas,
Alam ko,
Alam ko sa aking sarili,
Na patuloy pa rin kitang iisip-isipin.
isinulat noong pebrero 28, 2002
gising na
Kay siglang pagmasdan ang himbing
Na bumabalot sa iyong mga hilik.
Nais kong dumait sa iyong tabi at ang aking mga mata’y ipikit.
Ngunit kahit anong pilit ang gawin,
Ay patuloy akong nananatiling gising sa gitna nitong madilim na silid.
Nais kitang gisingin sa aking mga halik at ito’y idampi sa iyong mga labi.
Nais kitang gisingin
at ikulong sa nanabik kong mga bisig.
Nais kitang gisingin sa haplos nitong
mapagkandili kong mga daliriat saka ilalapit sa iyong mga pisgi.
Nais kitang gisingin sa bulong ng aking tinig
at sabihing mahal kita sa kahit na anong himig.
Nais kitang gisingin sa dagundong ng tibok nitong nauuhaw kong puso
at amining wala nang ano pang bagay ang nanaisin.
Nais kitang gisingin
At patuloy na ngang mahimlay sa iyong tabi.
Ito na wari ang pinakahihintay kong sandali
Upang palayaing pilitItong damdaming alipin sa masidhing pananahimik.
Ngunit nang kita’y akin nang pupukawin,
aking napansin na ikaw pala ay mayroon nang katabi.
Agad na nadama ang hapdi
at sadyang di mapigilan ang hikbi.
Aking napag-isip-isip
Na marahil ay hindi na lamang kita gigisingin.
At marahil ako’y patuloy na lamang na
Magmamasid sa iyong pagkakahimbing.
isinulat noong abril 22, 1999